Huli sa akto ng mga bantay ng kapilya ng Iglesia Ni Cristo sa bayan ng Santa Maria, Romblon ang tatlong menor de edad at isang 19-anyos na lalaki na tinatangkang nakawin ang isang motorsiklo na nakaparada sa compound mismo ng INC sa nasabing bayan.
Nangyari ang tangkang pagnanakaw nitong madaling araw ng Miyerkules, February 20.
Ayon sa mga saksi, ang dalawang suspek lang ang pumasok sa compound ng INC para magnakaw ng motor habang ang dalawa naman ay naiwan sa labas bilang lookout sa mga dadaang residente.
Matapos magkahabulan, nahuli ng mga bantay ang isa sa mga menor de edad habang nakatakas naman ang tatlo pa nitong kasama.
Sa panayam ng Romblon News Network sa bata, sinabi nito na kinukuha umano nila ang mga motorsiklo para kuhaan ng mga pyesa para maibenta. Napag-alaman rin na may nabiktema na sila noon sa bayan ng Odiongan.
Dinala na ang bata sa Municipal Social Welfar and Development Office ng bayan ng Sta. Maria.
Patuloy namang hinahanap ng mga otoridad ang mga kasama nito.