Araw ng pagmamahalan ngunit hindi nanaig ang pagmamahal sa magkapatid na Rubion sa bayan ng Odiongan sa Romblon matapos mauwi sa pananaksak ang alitan ng dalawang magkapatid.
Patay sa saksak ng isang kutsilyo nitong gabi ng Miyerkules, Februray 13, si Junly Rubion, 36 anyos, matapos saksakin ng nakaalitan niyang kuya na kinilalang si Mancheto Rubion, 40 anyos, pawang residente ng Barangay Rizal.
Kwento ng bunsong kapatid ng dalawang si Susan, bandang 8:30 ng gabi ng bumaba sa kanila ang kapatid nilang si Mancheto para humingi ng tulong dahil napatay di umano niya ang kanyang kapatid sa saksak sa bukid.
Agad na umakyat ang asawa ni Susan kasama ang mga kapitbahay para tingnan ang sumbong ni Mancheto, dito na nila nakita ang duguang katawan ni Junly kaya agad nila itong isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Nagtamo ng isang malalim na saksak si Junly sa katawan na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Kwento ng suspek na si Mancheto, nasa bukid sila ni Junly kasama ang dalawa pa nilang barkada ngunit nag-amok umano ang biktima matapos ang inuman at sinugod si Mancheto sa kanyang bahay sa hindi alam na dahilan.
Pinagbabato umano ng biktima ang bahay ng suspek hanggang sa mabuksan ito, ngunit bago pa man makalapit ang biktima sa suspek ay nakakuha na ng kutsilyo ang suspek na siyang isinaksak nito sa biktima.
Agad namang sumuko ang suspek sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station matapos ang nagawang krimen.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at inaantay nalang kung magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban kay Mancheto.