Naospital ang election officer ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayan ng Looc, Romblon matapos na sumemplang ang minamanehong motorsiklo sa kahabaan ng national road sa Barangay Punta, bayan ng Looc nitong umaga ng Martes, February 19.
Kinilala ang biktima na si Ma. Anna San Pedro, 45-anyos, residente ng Barangay Limon Sur sa nasabing bayan.
Ayon sa spot report ng Looc Municipal Police Station, binabaybay ni San Pedro ang national road patungo umanong Poblacion nang bigla umanong may tumawid na aso at aksidente nitong magulungan dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa minamaneho niyang motor at sumemplang.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si San Pedro dahil sa aksidente.
Dinala siya sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ngunit kalaunan ay inilipat sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan para sa mabilis na gamutan.
Paalala ng Looc Municipal Police Station, ugaliing maingat sa pagmamaneho tuwing nasa kalsada para makaiwas sa aksidente.