Sugatan ang dalawang rider kabilang ang isang babae matapos masangkot sa salpukan ng motorsiklo sa Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon nitong gabi ng Sabado, February 02.
Batay sa police report ng Odiongan Municipal Police Station, binaybay ng rider na si Eliezar Garcia, 49, teacher ng Libertad National High School, ang kahabaan ng tablas circumferential road ngunit pagdating nito sa approach ng Tumingad Bridge, bigla itong nag-overtake sa unahan niyang sasakyan kaya nasalpok nito ang kasalubong na rider na si Isralyn Gan, 30, residente ng San Andres, Romblon.
Agad na isinugod ang walang malay na si Garcia sa Rovillos Hospital para gamutin, habang si Gan naman ay dinala sa Romblon Provincial Hospital matapos magtamo ng sugat sa katawan.
Ayon kay Police Chief Inspector Brian Fallurin, hepe ng Odiongan Municipal Police Station, patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nasabing aksidente.
Dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang dalawang motorsiklong sangkot sa banggaan.