Siyam na motorsiklo, isang ATV, at isang tractor ang di umano’y sinadyang sunugin ng ilang kabataan sa Barangay Malilico sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong Huwebes ng gabi.
Ayon sa ilang residente sa lugar, bandang alas-10 ng gabi ay may nakita umano silang ilang kalalakihan na tumatakbo paalis sa lugar na pinangyarihan ng sunog sa Barangay Malilico bago pa lumaki ang sunog.
Tupok ang mga motorsiklo, ganun rin ang maliit na bahay na ginawang parking area ng isang All-terrain vehicle o ATV.
Posible umanong umabot sa mahigit 700 thousand pesos ang halaga ng mga nasunog na sasakyan, ayon sa mga residente na nakausap ng Romblon News Network.
Sa ngayon, patuloy pang kumakalap ng ebidensiya ang Bureau of Fire Protection – Odiongan, at Odiongan Municipal Police Station kaugnay sa insidente.