Ang bayan ng Odiongan at isla ng Sibuyan, Romblon ang napili ng mga volunteer surgeons mula sa World Surgical Foundation bilang lugar ng kanilang unang surgical outreach sa Pilipinas para sa taong 2019.
Ayon sa pamunuan ng WSF, aalis sila ng Batangas Port ng January 25 sakay ng ferry patungong Odiongan, Romblon at magsasagawa ng final screening para sa mga patients sa January 26 sa Romblon Provincial Hospital.
Inaasahang magsasagawa sila ng 100 major surgery na gagawin sa Romblon Provincial Hospital (RPH) na magsisimula sa January 28, kasabay ang halos 200 minor surgeries na sabayang gagawin sa RPH at sa Sibuyan Island.
Ayon kay Governor Eduardo Firmalo, ang mga gustong magpa-opera sa Prostate TURP, Myoma, Luslos, Hemorrhoids, Fistula in ano, Colostomy creation, Colostomy closure, Gastrostomy tube surgery, Congenital pediatric surgery, Bukol sa suso, Bungi/harelip, Bato sa apdo, Bukol sa matris o obaryo ay maaaring magpalista na ngayon sa RPH, o makipag ugnayan sa Municipal Health Center ng kanilang munisipyo o di kaya’y sa Governor’s Office.
Ang nasabing aktibidad ay koordinasyon ng World Surgical Foundation, Provincial Government ng Romblon at ng Mabuhay Forwarders.