Patay ang dalawang rider matapos mawalan ng kontrol at sumalpok sa isang puno ang sinasakyan nilang motorsiklo nitong gabi ng Huwebes, January 24, sa Barangay San Roque, bayan ng Alcantara, Romblon.
Kinilala lamang sa pangalangang Rudy, at Ludy, ang dalawang rider na pawang mga residente ng Barangay Malilico, Odiongan, Romblon.
Ayon sa mga saksi, matulin umano ang patakbo ng nagmamaneho ng motorsiklo, pagdating nila sa may pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay San Roque, nawalan umano ng kontrol ito sa manobela at sumagi sa poste ng waiting shed sa tabi ng kalsada hanggang sa sumalpok sa puno ng paper tree.
Dead on the spot ang driver na kinilalang si Ludy, habang naisugod pa sa pinakamalapit na ospital ang kasama nitong si Rudy, ngunit binawian rin ng buhay matapos parehong magtamo ng head injury sa lakas ng pagkakasalpok sa puno.
Posible umanong nakainum ang mga ito kaya matulin ang kanilang mga patakbo bago sila maaksidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng Alcantara Municipal Police Station ang nasabing aksidente.