Pinasinayaan na kamakailan at pormal ng binuksan sa mga member-consumer ang bagong Service Center ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) Inc. na itinayo sa bayan ng Sta. Maria sa pangunguna ni General Manager Engr. Orville F. Ferranco.
Ito ang pang-apat na service center na naitayo ng TIELCO sa isla ng Tablas na layuning mapabilis, maayos at maipatupad ang agarang aksyon sa mga service request ng mga member-consumer-owners na nasasakupan nito.
Handang pagsilbihan ng service center na ito ang bayan ng Sta. Maria hanggang sa Sitio Sawang, San Agustin at mula sa poblacion ng Sta. Maria hanggang sa Sitio Tabok, Poblacion, Alcantara, Romblon.
Ipinababatid ng pamunuan ng TIELCO sa kanilang mga member-consumer-owners na nasasakupan ng nasabing service center na kung maaari ay i-report o ipaabot ang kanilang mga service request sa mga tauhan ng TIELCO na itinalaga dito sa pamumuno ng kanilang Foreman Mr. Sammy Tejolan at tatlong kasamahan.
Ang proyektong ito ay ginawa ng TIELCO upang mas lalo pang mapaunlad, mapabuti at maihatid ang maayos ang tamang serbisyo ng kuryente sa kanilang nasasakupang lugar. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)