Sa loob lamang ng tatlong magkasunod na gabi ay limang kainan sa loob ng public plaza sa Poblacion, Alcantara, Romblon ang nagawang looban ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Nagsimula ang serye ng nakawan nitong Sabado, January 5, kung saan pagsikat ng araw ay bumungad sa mga may-ari ng dalawang tindahan ang sirang pintuan, at kalat-kalat na gamit sa loob nito.
Nakuha ang mahigit 2,000 pesos na pera sa loob ng dalawang tindahan at mga panindang pagkain.
Nitong madaling araw naman ng Lunes, January 07, limang (5) kainan ulit kabilang ang dalawang pinasok noong January 5 ang tinangkang nakawan bandang ala-una y medya ng madaling araw ngunit nabigo ang apat di umanong suspek matapos makita ng isang security guard ng Alcantara National High School.
Ayon sa security guard na si Vincent Galicia, bigo siyang mamukhaan ang apat na suspek.
Sinabi naman ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS) na may lumitaw na umanong witness sa nakawan at sinabi nitong tatlo ang mga suspek sa nakawan at namukhaan niya umano ang isa sa mga ito.
Inimbitahan na ng AMPS sa Office of the Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) ang witness at ang natukoy nitong suspek na isang menor de edad para dito maimbestigahan.