Hindi na matutuloy ang planong pagkakaroon ng dialysis center sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan sa termino ni Romblon Governor Eduaro Firmalo matapos maapektuhan ang proseso ng pagtatayo nito ng hindi pa naipapasang 2019 Annual Investment Plan ng probinsya.
Inanunsyo ito ni Romblon Governor Eduardo Firmalo sa ginanap na Provincial Development Council Meeting nitong Huwebes, January 24, sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Sinabi ni Firmalo na handa na umano sana ang mga specialist mula sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center ngunit hindi na sila makapag-antay kung kailan sila papasok ng Romblon.
Sa hiwalay na panayam kay Firmalo ng mga mamahayag pagkatapos ng PDC Meeting, natanong ito patungkol sa hindi matutuloy na dialysis center, sinabi nito na ‘sinong Governor ang magtutuloy ng project ng walang kapera-pera? Para kang nagpapakamatay noon’.
“Sa dialysis [center], kailangan mong ihanda pa yong lugar, lalo yung water delivery system at siyempre kailangan ng support staff yun, anong ipapang-sweldo mo doon?,” pahayag ni Firmalo.
Malaking tulong sana ang planong dialysis center sa Romblon Provincial Hospital para sa mga taga-Romblon na may problema sa kidney at kailangang magpa-dialysis. Malaking tipid sana ito sa publiko dahil hindi na nila kailangang lumuwas ng Manila para maghanap ng dialysis center at doon magpagamot.
Isa lang umano ito sa mga nararamdamang epekto ng hindi naipapasang 2019 Annual Investment Plan.
Ang pinatawag na Provincial Development Council Meeting nitong Huwebes, January 24, ay ika-tatlong subok na sa buwan ng January para lang magka-quorum ngunit bigo parin ang council na mabuo dahil sa hindi nakakadalo na mga alkalde ng karamihang bayan sa probinsya.