Arestado sa isang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group at ng Provincial Mobile Force Company ang isang lalaking nagbebenta ng hindi dokumentadong baril nitong gabi ng Martes sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Kinilala ang suspek na si Leonard Saidasa Gabriel, 53 years old, residente ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.
Ayon sa spot report na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Lendelyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, nakatanggap umano ng sumbong ang CIDG at PMFC na may lalaking nagbebenta ng mga baril sa harap ng isang malaking fastfood chain sa Odiongan kaya nagsagawa sila ng operasyon laban rito.
Nakuha sa suspek ang isang caliber 38 revolver, isang caliber 45 colt, isang caliber 45 taurus na mga baril; at mga magazine at bala.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Criminal Investigation and Detection Group sa Odiongan at nahaharap sa kaukulang kaso.
Walang pahayag sa media ang suspek.