Isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang isang 21-anyos na binata sa Santa Maria, Romblon matapos pagtatagain ng isa pang lalaki habang mahimbing na natutulog sa kanilang bahay nitong unang araw ng bagong taon.
Kinilala ni Romblon Police Spokeperson PSInp. Ledilyn Ambonan ang biktima na si Ramil Bantang, residente ng Sitio Agcalatao, Brgy San Isidro, Sta Maria, Romblon.
Ayon sa spot report ng Santa Maria Municipal Police Station, bandang alas-11 nitong Martes, pinasok ng suspek na si Ronald Gaan Largueza, 22-anyos, ang bahay ni Bantang at pinagtataga ito sa katawan gamit ang dala niyang bolo.
Agad namang tumakas ang suspek dala ang bolo palayo sa crime scene matapos makitang duguan na ang biktima ngunit naaresto kinaumagahan. Dito na nakahingi ng tulong si Bantang para agad na madala sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan.
Ayon sa pulisya, posibleng selos umano ang dahilan kung bakit nagawa ng suspek ang krimen.
Ayon kay Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., hepe ng Santa Maria Municipal Police Station, nasampahan na nila ang suspek ng kasong frustrated murder sa Regional Trial Court Branch 81 nitong Huwebes, January 03.
Nakakulong na ang suspek sa Romblon District Jail. Wala pa itong pahayag.