Nahulicam sa Odiongan, Romblon ang pagtangay ng dalawang menor de edad na kawatan sa isang bisikletang pag mamay-ari ng isang tindero ng isang appliance store sa lugar.
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) cameras, makikita ang bisikleta na nakalagay sa may gilid ng kotse ng may-ari ng tindahan, bandang 4:33 ng hapon nitong Huwebes, January 24, dumating ang dalawang menor de edad at napansin ang nakaparadang bisikleta.
Tumingin-tingin sa paligid ang dalawa at inobserbahan kung naka-lock ba ang bisikleta.
Makalipas ang mahigit isang minuto, may pumasok na customer sa tindahan at dito na nakakita ng pagkakataon ang dalawang menor de edad na kawatan para tangayin ang bike.
Kinuha ito ng isa sa mga suspek at dahan-dahang pinaandar hanggang sa makalayo sila, habang ang isa ay nagsilbing look-out.
Sa loob lamang ng halos dalawang minuto, natangay na ng dalawang kawatan ang bike habang busy ang mga tauhan ng tindahan sa mga customers.
Ayon sa may-ari ng bisikleta, naipalam na nila sa Odiongan Municipal Police Station ang insidente at nagsasagawa na rin umano ng imbestigasyon ang pulisya sa posibleng pagkakakilanlan ng dalawang menor de edad.