Inaasahang aabot sa 857 na pasahero ang stranded sa Poctoy Port sa Odiongan matapos itaas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Warning Signal #1 sa lalawigan ng Romblon kaninang alas-11 ng umaga.
Ayon kay Jason Fontelo, 2Go Manager sa Romblon, meron silang 385 na pasahero na stranded na patungong Batangas galing Caticlan, at may 472 naman na pasahero galing Batangas patungong Caticlan.
Ang ilan sa stranded na mga pasahero, sa mga upuan na muna ng terminal nakaupo o nakahiga.
Alam na rin ng pamunuan ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Odiongan ang sitwasyon ng mga stranded kaya nakikipag-ugnayan na sila sa pamunuan ng 2Go Travel para sa ipapakain sakanila habang silay nanatili rito.
Inaasahang ililikas rin sila ng Poctoy Port at dadalhin sa pinakamalapit na evacuation center kung sakaling lumakas ang alon sa dagat sa mga susunod na oras.
Posibleng bukas, Biyernes o Sabado mararamdaman sa Romblon ang paglapit ng bagyong Usman sa probinsya.