Pinagbawalan na ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ng Alcantara ang mga mangingisda na nasa kanilang area of responsiblity (AOR) na pumulaot ngayong hapon dahil sa masamang panahon.
Sinabi ni Marcelo Reandelar, MDRRMO ng Alcantara, na may kautusan mula sa Office of the Civil Defense (OCD) MIMAROPA na nagbabawal sa mga mangingisda lalo na ang mga may maliit na bangka na pumalaot dahil sa nakataas na tropical cyclone warning signal sa probinsya ng Romblon.
Ayon sa nakausap ng Romblon News Network na mangingisda na si George Tejalon Jr., hindi na umano sila magpapalaot dahil masama na ang panahon at ihahanda nalang ang kanilang bangka para madaling iakyat mamayang gabi kung sakaling lumakas ang alon.
“Sa ngayon maganda pa naman ang panahon, makulimlim lang, pero handa na kami sa bagyo,” pahayag ni Tejalon ng makausap ng Romblon News Network.
“Wala munang kita, pero mas maganda na rin yung ligtas kesa mawala pa kami sa dagat,” dagdag ni Tejalon.
Sa ngayon, makulimlim na ang panahong nararanasan sa bayan at may pabugso-bugsong pag-uulan na nararanasan.