Isang estudyante ang isinugod sa Romblon Provincial Hospital matapos tamaan ng bala ng baril mula sa suspek na nakasakay sa isang van sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong gabi ng Biyernes, December 14.
Ayon kay Odiongan Vice Mayor Mark Anthony Reyes, nangyari ang pamamaril sa Barangay Pato-o bandang alas-7 ngayong gabi.
Ligtas na umano ngayon ang lagay ng babaeng estudyante at posibleng operahan para matanggal ang bala na bumaon sa kanyang leeg.
Hindi pa tukoy kung sinadya bang barilin ang biktima o aksidente lang itong tinamaan ng bala ng baril matapos magpaputok ang suspek.
Batay sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Chief Inspector Brian Fallurin, naglalakad umano sa kalsada ang biktimang babae kasama ang kanyang kaibigan ng biglang dumaan ang isang van at walang anu-anoy nagpaputok umano ng baril.
Alam na rin umano ng mga magulang ng biktimang babae ang nangyaring insidente at humiling na huwag na itong pangalanan sa publiko.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Odiongan Municipal Police Station kaugnay sa insidente at sa posibleng ikadarakip ng salarin.