Sa kabila ng kahirapan, hindi naging alintana ng dalawang binantang ito ang makagawa parin ng maganda sa kanilang kapwa, matapos silang magsaoli ng napulot nilang wallet sa bayan ng Odiongan nitong Sabado.
Kwento ni Eden Malaya, residente ng Santa Fe, Romblon, nakasakay na siya ng jeep sa terminal at paalis na sana ng mapansin nito na wala na sa bulsa niya ang kanyang wallet na may lamang mahigit 9,000.
“Bumaba ako ng jeep sa takot, at pinuntahan namin ng kasama ko yung mga lugar na pinanggalingan namin para itanong kung naiwan ba doon sa kanilan yung wallet ko,” kwento ni Malaya.
“Halos maiiyak na talaga ako kasi wala daw doon sa mga pinuntahan namin yung wallet…wala daw na iwan. Hindi ako makauwi kasi wala akong dalang pera,” dagdag pa nito.
Hanggang sa tumawag umano ang kanyang anak na nasa Manila at may tumawag umano sakanya na nakita ang kanyang wallet.
“Tumawag yung anak ko, akala ko kung ano na, yun pala sasabihin lang na may nakapulot nung wallet ko, at magkita daw kami sa Children Park and Paradise sa Odiongan. Kaya pinuntahan ko, doon ko nakita yung taong tumawag sa anak ko at nag-abot ng wallet,” kwento pa ni Malaya.
“Sabi nung nag-abot sa akin ng wallet, ‘Maam, sila pong dalawa yung nakapulot nung wallet niyo,” ayon pa kay Malaya.
Dito na nakilala ni Malaya ang dalawang binata na kinilalang sina Michael Galachico, at Mark David Fontamillas, parehong residente ng Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.
“Gusto ko lang malaman ng lahat na may mga tao paring mababait ang kalooban, sa tuwa ko, binigyan ko sila ng kaunting pera pang meryenda nila, kasi mukhang galing pa sila sa klase,” dagdag sa kwento ni Malaya.
Sinubukang kontakin ng Romblon News Network sina Galachico, at Fontamillas, para sana kunan ng pahayag at mensahe ngunit hindi sila sumasagot sa aming mga facebook message.