Bagama’t wala nang signal ng bagyong #UsmanPH sa buong lalawigan ng Romblon at maaliwalas na rin ang papawirin sa bayan ng Sibale, nananatili pang walang biyahe ang mga pampasaherong bangka na biyaheng Mindoro.
Bunsod ito ng nararanasan pa ring malalaking alon at malakas na ihip ng hangin sa palibot ng isla.
Pinayuhan na rin ng mga awtoridad ang mga may-ari ng maliliit na bangkang pangisda na iwasan muna ang pumalaot para makaiwas sa anumang disgrasya.
Inaasahan naman na kapag tuloy-tuloy na ang pag-buti ng panahon ay manunumbalik na sa normal ang schedule ng biyahe bukas para sa mga pauwi ng isla o paluwas ng Mindoro at Manila para sa pagdiriwang at pagsalubong ng Bagong Taon kasama ang kani-kanilang pamilya.