Isang 74-anyos na lolo ang sugatan matapos tagain ng kamag-anak nitong lango sa alak nitong hapon ng Lunes, November 26 sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon.
Kinilala ni Romblon Police Spokeperson PSInp Ledilyn Ambonan, ang biktima na si Juan Riva Regla, habang ang suspek ay kinilalang si Domingo Regla Regla, 44-taong gulang, Barangay Tanod ng pinangyarihang barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, naglalakad umano ang supsek na lango sa alak dala ang kanyang bolo nang makita nito ang biktimang si Juan at dito na walang kaano-ano ay biglang tinaga ang biktima.
Nagtamo ng taga ang biktima sa kanyang kamay at sa likod kaya agad na isinugod ito ng mga kamag-anak sa Sibuyan District Hospital para ipagamot ang biktima.
Samantalang ang suspek ay agad na tumakas dala ang bolo na ginamit sa krimen.
Naaresto rin ito kinagabihan ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station matapos magsagawa ng manhunt operation laban sa suspek.
Nakakulong na ngayon ito at posibleng maharap sa kaukulang kaso.