Sugatan ang isang rider sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos dumiretso at mahulog sa lumang palaisdaan sa Sitio Bungoy sa Barangay Liwanag nitong hapon ng Biyernes, November 23.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang rider na si Sebastian Tibio Gado, 20-taong gulang, estudyante at residente ng Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon.
Ayon sa spot report ng pulisya, bandang 3:40 ng hapon habang binabaybay ni Gado ang Firmalo Boulevard patungong Ferrol, bigla umano itong nawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo pagdating sa may pakurbang bahagi ng kalsada kaya dumiretso at nahulog sa lumang palaisdaan.
Dahil sa aksidente, nagtamo ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan si Gado kaya agad itong dinala sa Romblon Provincial Hospital para gamutin.
Sinabi rin ng Odiongan Municipal Police Station na walang suot na helmet at wala ring lisensya ang rider nang mangyari ang nasabing aksidente.
Nasa ilalim rin umano ito ng impluwensya ng alak.
Dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang motorsiklo ng rider matapos itong pagtulungang alisin sa lumang palayayan ng mga personnel at OJT ng Odiongan Municipal Police Station.
































