Sugatan ang isang 66-taong gulang na Ginang sa bayan ng Cajidiocan, Romblon matapos na masalpok ng isang motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad nitong Miyerkules, October 31.
Kinilala ang matanda na si Nora Galang, retired nurse, at residente ng Bacoor City, Cavite at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Danao, Cajidiocan, Romblon.
Ayon sa police report ng Cajidiocan Municipal Police Station, bandang 1:55 ng hapon nitong Miyerkules, naglalakad si Galang sa kahabaan ng Bonifacio St. sa Barangay Poblacion at tatawid sana sa kabilang linya ng bigla siyang masalpok ng motorsiklo na minamaneho ng menor de edad na rider.
Nagsumbong sa pulisya si Galang matapos ang aksidente at pagkatapos nito’y dineretso siya sa Rural Health Center para ipagamot.
Samantala, ang nasabing menor de edad na walang lisensya at helmet, ay dinala sa Municipal Social Welfare Development ng mga tauhan ng pulisya para doon kausapin ng mga social workers.