Patay ang isang batang babae nitong nakaraang linggo matapos na malunod sa dagat na sakop ng Barangay Budiong, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Kiana Familara Fradejas, 8-anyos, at isang grade 2 pupil ng Budiong Elementary School.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, nasa tabingdagat si Kiana sa Barangay Budiong kasama ang kanyang kamag-anak para sana mag picnic ngunit hindi umano namalayan ng mga kasama nito na naligo na pala ang bata sa dagat at napunta sa malalim na bahagi.
Agad na tumakbo papunta sa dagat ang mga kasama ni Kiana para sana sagipin ito ngunit bigo silang mailigtas sa pagkakalunod ang bata. Idineklarang dead on arrival sa Romblon Provincial Hospital si Kiana ng tumingin na Doctor dito.
Paalala ng Odiongan Municipal Police Station, bantayan lagi ang mga maliliit na bata lalo na kung maliligo sa dagat at mga swimming pool para hindi mauwi sa disgrasya ang masayang bonding ng isang pamilya.