Pinaalala ng mga tauhan ng Employee’s Compensation Commission (ECC), isang sangay ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang mga benepisyo na pwedeng makuha ng mga empleyado mula sa gobyerno kung sakaling may mangyari sa kanila.
Ayon kay Dr. Raymond Banaga, Medical Officer III ng Work Contingency Prevention & Rehebalitation Division ng ECC, mapa-pribado man o pam-publiko ang pinagtatrabahuan ng isang empleyado ay may makukuha parin silang kompensasyon kung sakaling maaksidente, magkasakit, o di kaya ay mamatay habang sila ay nasa trabaho.
Pwedeng makakuha ng kompensasyon ang isang empleyado mula sa SSS kung sakaling sa pribadong kompanya sila nagtatrabaho o di kaya ay isang sea-based OFW, o kasambahay; sa GSIS naman pwedeng kumuha ng kompensasyon kung sakaling sa gobyerno sila nagtatrabaho kasama na ang mga tauhan ng AFP, PNP, BJMP, at Coast Guard.
Magsisimula ang coverage ng Employee’s Compensation Program sa unang araw palang ng magtrabaho ang empleyado sa kanilang employer o kompanya.
Ilan sa mga pwedeng benepisyo ng Employee’s Compensation Program ay ang Loss of income benefit, medical benefits, rehabilitation services, carer’s allowance, at death benefits para sa kanilang mga beneficiaries.
Pinaalala rin ng ECC sa mga employers na dumalo sa isang advocacy seminar sa Odiongan, Romblon nitong Huwebes na huwag kakalimutang magbayad ng contributions sa SSS o GSIS para hindi mahirapang makakuha ng kompensasyon ang kanilang mga empleyado.
Maari rin umanong lumapit sa Field Office ng DOLE sa Odiongan, Romblon ang mga workers na may tanong kaugnay sa Employee’s Compensation Program.