Sugatan at isinugod sa Rural Health Center ang driver ng isang truck matapos madisgrasya at tumaob ito sa bahagi ng Barangay Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon nitong gabi ng Huwebes.
Kinilala ni Police Senior Inspector Manuel Fernandez Jr., ang driver ng sasakyan na si Ruel Rana Morte, 49-taong gulang, residente ng nabanggit na barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Santa Maria Municipal Police Station, binabaybay ni Morte ang National Road galing San Andres ngunit pagdating umano sa bahagi ng kalsadang inaayos sa Concepcion Norte, nawalan umano siya ng kontrol sa truck at sumalpok sa metal barrier na naging dahilan ng pagtaob nito.
Nagtamo ng sugat sa mata si Morte at ngayon ay inoobserbahan sa Rural Health Center ng bayan.
Patuloy ang paalala ng kapulisan na maging maingat sa pagmamaneho tuwing gabi lalo pa sa mga lugar na may kadiliman.