Isinugod sa Romblon Provincial Hospital (RPH) ang tatlong lalaki matapos maaksidente sa Barangay Mayha sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong gabi ng Sabado, October 20.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station ang tatlong lalaki na sina Michael Sarsona, 20; Nilo Sarsona, 18; at Cemey Sarsona, pawang mga residente ng Barangay Rizal sa parehong bayan.
Ayon sa pulisya, patungo umanong Ferrol ang tatlo sakay ng isang Suzuki Smash na motorsiklo na minamaneho ng matandang Sarsona ngunit pagdating nila sa may pakurbang daan sa Barangay Mayha, biglang nawalan ng kontrol ang driver sa motorsiklo at dumiretso sila sa kanal.
Nagtamo ng head injury ang driver, habang ang mga sakay naman ay nagtamo ng gasgas sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Napag-alaman ng pulisya na walang lisensya ang mga sakay ng motorsiklo at wala ring suot na helmet. Posibleng nakainum rin umano ang mga ito kaya naaksidente.
Nagpapagaling na sila ngayon sa ospital.