Nanawagan si Senador Sonny Angara sa Department of Justice at sa Department of Energy na bumuo ng task force na titingin at bubusisi sa hindi makatarungang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ilang lalawigan kasama na ang Romblon kung saan pumalo sa mahigit P72 ang presyo ng gasolina.
Sa ulat ng Abante News, sinabi ni Angara na dapat umaksyon ang gobyerno sa mga ulat na may mga kompanya sa iba’t ibang lalawigan ang nagpapatupad ng dagdag-presyo nang walang sapat na batayan.
“Kung palalampasin natin ito, posibleng dumami pa ang mang-aabuso. Dapat ay agad natin silang panagutin,” giit ni Angara, chairman ng Senate ways and means committee.
Sa Metro Manila, ang gasolina ay nasa P58.90 bawat litro habang ang diesel ay nasa P48.35 kada litro.
Ipinaalala ni Angara na layon ng Republic Act 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 ang kompetisyon sa oil industry. Bagama’t wala aniyang kontrol ang gobyerno sa presyo ng produktong petrolyo, nakasaad sa batas ang ilang safeguards at remedies para protektahan ang mga consumer sa mga abusadong kompanya.
Nauna ng sinabi ng mga oil industry sa Romblon na ang magastos na pag biyahe ng langis patungong Odiongan ang isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang presyo ng gasolina sa bayan.