Sugatan ang isang misis sa Sitio Malag-alag, Barangay Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon matapos saksakin ng kanyang mister nitong gabi ng Linggo, October 21.
Kinilala ang misis na si Gigi Ramirez Manes, 38-anyos; habang ang suspek na kanyang asawa ay kinilalang si Arnel Inocencio Manes.
Batay sa police report ng Santa Maria Municipal Police Station na pinadala sa opisina ni Romblon Police Spokeperson PSInp Ledilyn Ambonan, nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan dahil umano sa financial support ng mister sa kanilang pamilya, ngunit uminit umano agad ang ulo ni mister kaya kumuha ito ng kitchen knife sa kusina at sinaksak si misis.
Agad namang nakahingi ng tulong si misis kaya naitakbo ito ng mga kapitbahay sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon. Nagpapagaling na siya ngayon sa ospital matapos magtamo ng saksak sa katawan.
Samantala, naaresto ng mga tauhan ng Santa Maria Municipal Police Station ang suspek at nakuha rin sa kanyang possession ang ginamit na kitchen knife.
Nakakulong na ngayon ang suspek at posibleng maharap sa kasong attempted parricide.