Sugatan at isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang isang rider na kinilalang si Gerald Fababaer matapos sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na tricycle bandang ala-una ng umaga ngayong October 10.
Ayon sa driver ng tricycle na si Cornello Eledia, maghahatid siya ng pasahero sa isang hotel ngunit pagdating nito sa may pakurbang bahagi ng Tablas Circumferential Road sa bahagi ng Barangay Poctoy, bigla umanong sumalpok sa harapan nila ang rider.
Sa lakas ng pagkakasalpok, nawasak ang salaming nakalagay sa unahang bahagi ng tricycle at nagkayupi-yupi naman at nagkawasak-wasak ang unahang bahagi ng itim na motorsiklo ng rider.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa pinangyarihan ng aksidente para mag imbestiga.
Dinala na muna sa Odiongan Municipal Police Station ang dalawang sangkot na sasakyan at si Eledia para imbestigahan.
Samantala, dinala rin sa ospital ang pasahero ng tricycle matapos magtamo rin ng sugat sa katawan. Nagpapagaling na ngayon ang dalawang sugatan.