Nagtamo ng galos at sugat ang driver sa Santa Maria, Romblon matapos tumalon ito sa kanyang minamanehong payloader nitong ala-una ng hapon ng Lunes, September 10.
Ayon sa driver na si Nono Valdez, binabaybay niya ang pasulong na bahagi ng kahabaan ng National Road na sakop ng Barangay Concepcion Sur, nang bigla umanong pumatay ang makina ng minamaneho niyang payloader kaya hindi umano kumagat ang preno ng sasakyan.
Agad na nakatalon ang driver bago tumama ang payloader sa isang concrete waiting shed at tumagilid sa kalsada.
Maswerte namang walang tao sa waiting shed ng oras na iyon kaya walang ibang nadamay sa aksidente.
Samantala, nagdulot naman ng traffic ang pagka hambalang sa daan ng tumagilid na payloader. Umabot ng mahigit isang oras bago natanggal sa kalsada ang payloader.
Nangako naman ang construction company na may-ari ng payloader na ipapaayos ang nawasak na waiting shed sa Barangay Concepcion Sur.