Umaaray na ang ilang tsuper ng jeep at tricycle sa lalawigan ng Romblon dahil sa napakataas na presyo ng mga langis na ibinebenta.
Ayon kay Russel Faderogaya, driver ng jeep, malaki ang epekto sa kanilang ng mas mahal na diesel, aniya, noon umano ay P1,400 lang ang nagagastos nila para sa diesel sa balikan na biyahe patungo sa bayan ng Calatrava; ngayon ay aabot na sa P1,800, samantalang ang pamasahe patungo sa lugar nabanggit na bayan ay P70 parin.
Dumidiskarte nalang umano sila at hindi nalang bumabiyahe pagkakaunti ang pasahero para hindi sila malugi.
Pinanangangambahan rin nila ang inaasahang pagtaas sa presyo ng mga langis ngayong papasok na semana.
Sa tatlong gasulinahan na naikot ng Romblon News Network sa bayan ng Odiongan, ang average price ng kanilang gasulina ay aabot sa P67/liter habang P57.33 kada litro naman ang average price ng diesel.
Sa isang gasulinahan pa nga sa Odiongan, aabot na sa P71.17/liter ang kanilang premium gasoline, higit na mas mahal sa dalawa pang gasulinahang nabisita ng Romblon News Network nitong Linggo. Hindi nag paunlak ng panayam ang manager ng Alpha Oil, ang gasulinahang may P71.17/liter na presyo ng gasulina.
Samantala, sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na pag-uusapan ng Municipal Price Coordinating Council ngayong linggo ang nasabing issue.
Problema rin umano sa lugar ang kawalan ng opisina ng Department of Energy (DOE) sa probinsya para magbantay sa galaw ng presyo ng mga krudo.