Dinagsa ang opisina ng Commission on Elections sa bayan ng Odiongan sa Romblon ngayong huling araw ng voter’s registration para sa 2019 national and local elections ngayong araw, September 29.
Ang ilan sa mga nakapila ay nasa labas na ng opisina pagpatak palang ng alas-8 ng umaga at nasa pila na, ang isa nga sa mga nakapila, dalawang oras na umano nag-antay sa pag-usad ng pila.
Ayon kay Rey Fabella, Election Officer ng COMELEC-Odiongan, hanggang 250 lang ang kaya nilang i-accommodate ngayong araw dahil iisa umano ang computer na meron ang kanilang opisina, kaya ang mga hindi nabigyan ng form ay pinauwi na lamang. Posible ring umanong abutin pa sila ng alas-10 ng gabi para lang ma-accommodate ang 250 na nabigyan ng registration form ngayong araw.
Paliwanag pa ng Election Officer, buong semana umano na dagsa ang mga magpaparehistro ngunit mas madami umano ngayong huling araw.
Samantala, naglagay naman ng mga tent, mesa, at upuan ang Local Government ng Odionga sa labas ng opisina ng Commission on Elections para may maupuan ang mga pumipila lalo na ang mga buntis, seniors, at mga may kasamang bata.
Nauna ng sinabi ng Commission on Elections na wala ng extension ang deadline ng voter’s registration para sa 2019 national and local elections.