Nauwi sa pananaga ang masayang inuman ng isang magbabarkada sa Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Sabado, September 22.
Ayon sa spot report na Odiongan Municipal Police Station, nakikipag-inuman sa kanyang mga barkada ang suspek na si Reniel Sagun Gan, 21, residente ng nabanggit na barangay, nang makaalitan nito ang isa sa mga kainuman nito na si Hercinito Lorena Gadon, 37-anyos, residente naman ng Barangay Tuburan.
Nagsimula umano ang gulo ng ungkatin ni Gadon sa gitna ng inuman ang kinasangkutang homicide case ni Gan noon, maya-maya’y nagkasagutan umano ang dalawa at nauwi sa pagbunot ng isang matalim na bagay ni Gan at tinaga ang biktima.
Maswerte namang sa kamay lang tinamaan ang biktima at nakatakbo para humingi ng tulong sa mga kaibigan kaya naisugod agad sa Romblon Provincial Hospital at ngayo’y nagpapagaling na.
Samantalang ang suspek naman ay tumakas sa crime scene at nagtago hanggang sa maaresto sa isang hot-pursuit operation nina PO3 Raymond Rombines at SPO3 Allan Fruelda, mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station at ng Provincial Intelligence Branch nitong Miyerkules ng hapon, September 26.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.