Arestado nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Tuburan sa bayan ng Odiongan, Romblon ang isang lalaking wanted dahil sa kasong frustrated murder matapos na saksakin ang kanyang sariling kuya sa bayan ng Santa Maria, Romblon nitong nakaraang May 2018.
Naaresto ng pinagsamang pwersa ng Santa Maria Municipal Police Station, RID, Romblon Provincial Mobile Force Company, at CIDG-Romblon, ang suspek na kinilalang si Jomar Cezar Paulino, 29-taong gulang, residente ng Sitio Malatagum, Brgy. Sto Nino.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang pananaga matapos na komprontahin ng biktima ang suspek kung bakit nito sinaktan ang 16-anyos niyang anak.
Imbes umanong humingi ng patawad at paumanhin ang suspek ay nakipagsagutan pa ito nagtanim ng galit laban sa kuya.
Ilang minuto ang lumipas, pumasok umano ng bahay ng biktima ang suspek dala ang itak at nagsisigaw na “Salaga ang akon mga labo! Patyon tikaw!”, sabay hataw ng bolo sa biktima. Agad namang naawat ng mga kamag-anak ang suspek.
Nito lamang Lunes, August 13, lumabas ang warrant of arrest laban kay Jomar Cezar Paulino.
Nakakulong na ngayon sa Santa Maria Municipal Police Station at inaasahang ihaharap sa korte. Maaring makalaya pansamantala ang suspek kung magbabayad ng piyansang P200,000.