Sugatan ang isang retired teacher na naglalakad lang sa gilid ng kalsada sa Barangay Libertad sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos masagi ng isang tricycle nitong umaga ng August 12.
Kinilala ni Police Senior Inspector Kenneth Gutierrez ang biktimai na si Lucy Fopalan, 67-taong gulang, residente ng nasabing lugar; habang ang ang driver naman ng sasakyan ay kinilalang si Marcos Juacay Magbanua, 45-anyos, at residente ng Barangay Pandan, Sta. Fe, Romblon.
Dahil sa pagkakasagi, nagtamo ng sugat sa kanang paa ang biktima kaya agad itong isinugod sa Romblon Provincial Hospital para ipagamot.
Ayon pa sa pulisya, handang makipag-ayos umano si Fopalan sa driver ng tricycle pero oobserbahan muna umano ang lagay nito sa loob ng sampung araw bago makipag-ayos.
Dinala na muna sa Odiongan Municipal Police Station ang tricycle ni Magbanua.