Aabot sa 40 na estudyante sa bayan ng Odiongan ang nakinabang sa inorganisang seminar workshop ng mga tauhan ng Municipal Social Welfare and Development Office ng LGU Odiongan, Provincial Social Welfare and Development Office, at ng Commission on Population (POPCOM) nitong August 14-15, 2018.
Sa pamamagitan ng mga resource speakers, tinuruan ang mga estudyante ng Mayha National High School, Odiongan National High School, Gabawan National High School, at ng Romblon State University Science High School kung paano ang paggawa ng mga short films katulad ng paggawa ng mga script, storyboard, pagkuha ng video, hanggang sa pag-edit ng video.
Isa sa mga naging resource speaker ng event si Romblon News Network Senior Correspondent, Paul Jaysent Fos.
Sa inspirational talk ni Mayor Trina Firmalo-Fabic hinikayat niya ang mga kabataang dumalo na gamitin ang media sa pagkakalat ng mga tamang impormasyon lalo sa mga sensitive na topics katulad ng teenage pregnancy, hiv/aids, at iba pa.
Bilang final product ng seminar workshop, nagtungo sa kalsada ang mga estudyanteng lumahok at gumawa ng 2-3 minutes infomercial patungkol sa teenage pregnancy.