Walo katao ang inaresto ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station nitong nakaraang linggo matapos maaktuhang iligal na nagmimina sa Sitio Baha, Brgy. Mahabangbaybay, San Agustin, Romblon.
Ikinasa ang operasyon ng San Agustin MPS sa pamumuno ni PCInsp. Nonato P. Banania Jr. sa pakikipagtulungan sa 2nd Platoon ng Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC) sa pamumuno naman ni SPO3 Domingo P Camoral.
Kinilala ang mga suspek na sina Oscar Garcia y Morales, 52; Sonny Malong y Terdio; Redix Rancapan y Dela Cruz, 70; Alejandro Torres y Bregoli, 61; Ronald King Pallado y Lamanero, 40; Efren Ababon y Alberio, 20; Oliver Cator y Cinco, 49; at Eduardo Simbre y Sudoy, 63.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba’t ibang mga kagamitan sa pagmimina na magsisilbing ebidensya laban sa kanila.
Dinala na sa Romblon Provincial Prosecutor’s Office sa Romblon, Romblon ang mga suspek para sampahan ng kaukulang kaso.