Naaresto na nitong Huwebes ng gabi ng mga tauhan ng Boracay SubStation, New Washington Police Station at ng mga tanod members ng Barangay Manocmanoc ang itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Romblomanong construction worker sa Boracay nitong nakaraang araw.
Naaresto ang suspek na si Glemer Pagayunan Escasulatan, 25 years old, sa Brgy Mataphaw, New Washington, Aklan matapos makantaggap ng tip ang pulisya na narito ang suspek.
si Escasulatan ang itinuturong suspek sa pagpatay at pagtapon sa katawan ni Donie Manuel, 49-anyos, residente ng Santa Fe, Romblon at naninirahan sa Boracay para magtrabaho bilang isang construction worker sa Sitio Tulubhan.
Ayon sa isang witness, may isang lalaki umanong nagsabi sa kanya na may pinatay ito at itinapon niya malapit sa kanilang bahay ngunit sinabihan siya na huwag magsusumbong sa mga pulis kung madiskobre nila ang bangkay dahil isusunod sila ng suspek.
Nakakulong na ang suspek sa Boracay SubStation at nahaharap sa kasong murder.