Sugatan ang isang rider matapos saksakin ng lalaking lango sa alak nitong Huwebes ng hapon sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang biktima ng Odiongan Municipal Police Station na si Roberto Guyo Dillaton, 44-anyos; habang ang suspek naman ay kinilalang si Jayvel ‘White’ Gacu, 26-anyos, pawang residente ng nabanggit na Barangay.
Sa Closed-circuit television (CCTV) ng Barangay Batiano, nakunang inabangan at sinaksak ng suspek na si Gacu ang rider na si Dillaton ng dumaan ito sa kanyang harapan.
Batay sa mga saksi, galing si Dillaton sa vulcanizing shop kung saan naman naka-tambay ang suspek, nagkasagutan umano ang dalawa kaugnay sa dating alitan ng biktima at ng Tatay ng suspek.
Hindi nakita sa CCTV na nagkaroon ng komusyon sa vulcanizing shop ngunit napigilan rin ng mga tauhan ng Barangay at ng papatrolyang pulis.
Ilang minuto ang nakalipas pag-alis ng tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, dumaan muli ang biktima sa vulcanizing shop at dito na nangyari ang pananambang.
Agad namang dumiretso ng Police Station ang biktimang si Dillaton matapos ang krimen para magsumbong habang ang suspek ay naglakad lang patungo sa kanilang bahay na parang walang nangyari.
Nakakulong na ang suspek at nahaharap na ngayon sa kasong Attempted Murder.
Patuloy namang nagpapagaling ang biktima sa Romblon Provincial Hospital matapos magtamo ng saksak sa likuran.