Isang lasing na lalaki ang nalunod nitong umaga ng Sabado habang naliligo sa dagat sa Barangay Lusong, San Agustin, Romblon.
Kinilala ni Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, ang nasawi na si Bernie Magracia Gatarin, 45-anyos, residente ng Barangay Binonga-an.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman sa barkada si Gatarin sa kanila mismong bahay nang magpaalam itong maliligo muna umano saglit sa dagat ngunit kinutuban ang mga kainuman nito ng hindi na ito bumalik.
Hinanap ng mga kasama si Gatarin hanggang sa matagpuan itong lumulutang na sa dagat at wala ng buhay.
Sinubukan pang dalhin si Gatarin sa Tablas Island District Hospital ngunit idineklara na itong dead on arrival ng doctor. Batay naman sa post mortem examination ng ospital, lumalabas na pagkalunod nga ang ikinamatay ni Gatarin.