Arestado ang isang lalaking itinuturing suspek sa pagnanakaw ng isang motorsiklo sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos matunugan ang suspek na ibinebenta ang nasabing motor sa kakilala ng biktima.
Kinilala ang suspek na si John Jeric Gumabao Faa, 22-anyos, at residente ng Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon.
Ayon sa may-ari ng motorsiklo na si Mico Fere-ira, ninakaw umano ang motorsiklo niya sa labas ng isang bar sa Odiongan noong July 01 ng gabi. Hinanap niya umano ang motorsiklo hanggang sa makatanggap siya ng sumbong nitong Lunes ng umaga kaugnay sa suspek at motorsiklo.
Ibinebenta umano ng suspek ang motorsiklo na kapareho sa description ng motorsiklo ni Fere-ira kaya agad itong nagsumbong sa mga kapulisan at nagkasa ng operasyon para hanapin ang suspek at ang motor.
Naaresto si Faa sa kanyang pinagtatrabahuan habang narekober naman ang motorsiklo sa bukid sa Barangay Tumingad.
Hindi na itinanggi ni Faa ang krimen, aniya, nagawa niya lang umano yun dahil akala nahiya na umano siyang isauli ang motorsiklo.
Nakakulong na siya sa Odiongan Municipal Police Station at nahaharap sa Anti-Carnapping Act of 2016.