Isang elf truck na may kargang mga bato ang sumalpok sa likod ng isang 14-wheeler truck bandang alas-5 nitong hapon ng Sabado sa kahabaan ng National Road sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.
Ayon sa mga saksi, bigla umanong nag overtake ang 14-wheeler truck sa elf truck ngunit pagdating umano nito sa unahan ng elf truck ay bigla itong humina ng patakbo at tumigil para sana bigyang daan ang isa pang truck na kasalubong nila.
Ikinagulat ng driver ng elf truck na si Johnny Galangera ang pagtigil ng 14-wheeler truck na minamaneho naman ni Arnold Mejeco kaya hindi na ito nakapreno ng todo hanggang sa sumalpok ito sa likod ng 14-wheeler truck.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng elf truck sa likod ng 14-wheeler truck, nawasak ang salamin at nayupi ang windshield nito.
Ma swerte namang nakaligtas at hindi naipit si Galangera at ang kanyang pahinante. Wala namang galos o sugat ang mga sakay ng dalawang truck.
Dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang dalawang driver at ang kanilang mga truck para sa patuloy na imbestigasyon ng pulisya.