Nakaligtas sa papamarill nitong hapon ng Linggo ang isang empleyado ng Local Government Unit ng San Agustin na kinilalang si Polly Evangelio Doroy, 58-anyos.
Ayon kay Police Chief Inspector Nonato Banania Jr., hepe ng San Agustin Municipal Police Station, papasok na sana ng gate ng kanilang bahay si Doroy ng makita niya rito na nag-aabang ang suspek na kinilalang si Norvic Doroy Solidum.
Nagpaputok umano ang suspek ngunit bigong tinamaan ang biktima.
Nakasaad sa spot report na sinubukan pang hamunin ng biktijma ang suspek na paputukan pa uli siya kung gusto talaga siya nitong patayin ngunit pinigilan umano ang suspek ng asawa ng biktima.
Agad na tumakbo papasok ang biktima ng kanilang bahay at tumawag sa pulisya, samantala ang suspek ay agad na tumakas dala ang baril nito.
Nakuha ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station sa crime scene ang isang basyo ng bala ng .45 caliber na baril.
Sinabi ni Police Chief Inspector Banania sa Romblon News Network na maaring ang alitan ng kanilang pamilya ang dahilan ng pamamaril. Bigo naman silang maaresto ang suspek ngayong araw kaya posibleng regular filing nalang ng kaso ang gawin laban sa suspek.