Isang german national ang natagpuang nakabulagta at wala ng buhay sa kalsada katabi ng kanyang motorsiklo sa Sitio Malag-alag, Concepcion Norte, Sta. Maria, Romblon bandang alas-7 ngayong gabi.
Kinilala ang rider na si Thorston Lankes, 44, kasalukuyang naninirahan sa bayan ng Looc, Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Sandy Falcutila ng Santa Maria Municipal Police Station, maaaring habang binabaybay ng rider ang kahabaan ng national road sa Sitio Malag-alag ay hindi nito napansin ang malaking bato na nasa gilid ng kalsada at maaaring nasalpok niya ito dahil sa kadiliman sa lugar.
Patunay rito ang nayuping motorsiklo ng rider dahil sa maaaring impact ng pagsalpok nito sa bato.
Dinala na sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ang bangkay ng biktima para sa post mortem examination.