Ipapa-CT Scan ngayong araw ang isang rider na isinugod sa Romblon Provincial Hospital *RPH) kahapon matapos na sumalpok sa concrete barrier ang motorsiklong kanyang minamaneho sa bayan ng Sta. Maria.
Batay sa spot report ng Santa Maria Municipal Police Station na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Provincial Police Office, bandang alas-5 kahapon ng hapon ng maaksidente ang rider na kinilalang si Orly Perez Macasa, 28-taong gulang.
Aksidente umanong inararo ni Macasa ang concrete barrier na nasa bahagi ng Tablas Island Circumferential Road sa Sitio Tuburan, Barangay Concepcion Norte.
Tumilapon si Macasa at ang kanyang sasakyan sa kalsada. Walang suot na helmet ang rider noong oras na iyon kaya nagtamo siya ng ‘head injuries’.
Ayon sa pulisya, maaring nakainum ang rider ng maaksidente ito.
Patuloy na binabantayan ang lagay ng rider sa RPH.