Sumailalim kamakailan sa mandatory training and orientation ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga nahalal na Sangguniang Kabataan (SK) sa 219 barangay sa lalawigan ng Romblon.
Ilan lamang sa mga nahalal sa Sangguniang Kabataan (SK) (mga nakatayo) sa bayan ng Romblon na sumailalim sa mandatory training and orientation kasama ang mga kawani ng DILG Romblon (nakaupo mula sa kaliwa pakanan: MLGOO William Mazo, Norberto Solanoy at Glyda Mayor). (Kuha ni Argie M. Guray)
Ang pagsasanay ay kinakailangang lahukan ng mga nanalong SK bago pa sila manumpa at umupo sa puwesto alinsunod sa SK Reform Act at batay rin sa memorandum na inilabas ng DILG noong Enero.
Ang naturang oryentasyon ay nagsimula noong Mayo 17 at magtatapos sa Mayo 26, sa pangangasiwa ng bawat Municipal Local Government Operations Office ng DILG sa buong lalawigan.
Layunin ng pagsasanay na ihanda ang mga kabataang opisyal upang maayos na masimulan ang pagpapatupad ng kanilang mga tungkulin at responsiblidad sa barangay.
Ipinaliwanag sa kanila kung ano ang implikasyon ng “governance decentralization” sa SK, mga reporma sa SK at kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang mga halal na opisyal.
Sinanay rin sila kung paano mamuno ng pagpupulong, magsulat ng minutes of meeting, paano maghanda ng resolusyon, planning and budgeting at may lecture din sa code of conduct and ethical standards for Public Officials and Employees.
Binigyang-diin ng DILG Romblon na maaring madiskwalipika ang sinumang halal na SK official na hindi sasali sa mandatory training.
Ayon kay Municipal Local Government Operations Officer William M. Mazo, maaari lamang payagan na sumailalim sa special training ang hindi nakadalo kung may balidong kadahilanan, tulad ng pagkakasakit at mga pangyayaring hindi maiiwasan, subalit kailangan pa rin nilang magpakita ang katibayan dito.
Nagmula sa pondo ng barangay ang P1,600 ang registration fee ng bawat kalahok sa mandatory training and orientation. (CLJD/DMM-PIA MIMAROPA)