Walang awang binaril ang isang lalaking naliligo lamang sa labas ng kanyang bahay kagabi sa Sitio Agdamagan, Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Leandro Ruado Gubaton, 20-anyos, residente ng nabanggit na lugar.
Ayon sa pulisya, bandang 8:30 umano ng gabi ng makarinig ng isang putok ng baril ang kapitbahay ni Gubaton at paglabas umano nila nakita nila na naliligo sa sariling dugo si Gubaton sa gripo sa labas ng kanyang bahay.
Nagtamo ng isang tama ng baril sa ulo si Gubaton na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Sinubukang isugod sa Rural Health Clinic si Gubaton ngunit idineklara itong dead on arrival.
Samantala, blanko pa ang mga tauhan ng Magdiwang Municipal Police Station sa maaring dahilan ng pagpaslang kay Gubaton dahil wala naman umano itong kaaway sa lugar.
Patuloy na iniimbestigahan ng otoridad ang krimen.