Nagtamo ng sugat sa kamay ang driver ng isang cement mixer matapos na maaksidente sa kahabaan ng Tablas Island Circumferential Road sa bahagi ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon bandang alas-10 kaninang umaga.
Ayon sa driver na si Lorgie Galicia, nag-overtake umano siya sa isang motorsiklo ngunit pagbalik umano nito sa kanyang linya ay nawalan siya ng kontrol sa sasakyan hanggang sa humiwalay ang lagayan ng semento sa kanyang dinadalang sasakyan.
Dumausdos naman at tumagilid sa palayan ang cement mixer matapos na humiwalay rito ang lagayan ng semento.
Ang nasabing cement mixer ay pagmamay-ari ng RLF Construction.
Puno ng laman ang cement mixer nang mangyari ang aksidente dahil mag dedeliver sana sila sa ginagawa nilang kalsada sa kasunod na Barangay.
Maswerte namang hindi nagalusan ang dalawang pahinante ni Galicia at wala ring ibang tao o sasakyan na nadamay sa nasabing aksidente.