Arestado ang isang 26-anyos na lalaki sa bayan ng Odiongan sa Romblon matapos ireklamo ng panghahalay ng isang 17-taong gulang na estudyante nitong madaling araw ng Lunes, April 09.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alvin Mansalay Fere-ira.
Ayon sa biktima na itinago nalang natin sa pangalang “Nene”, bandang alas-2 ng madaling araw kanina ng magising umano siyang may lalaki ng nakapatong sa kanyang katawan. Binantaan umano ng lalaki ang biktima na papatayin kung sakaling sumigaw o magsumbong kaya nanahimik ito.
Sinubukang agawin ni ‘Nene’ ang kutsilyo na hawak ng suspek kaya nasugatan siya sa kamay, nasugatan rin siya sa kanyang likuran matapos na matusok ng kutsilyo ng nasabing lalaki.
Kwento pa ni Nene, hinalik-halikan umano siya ng lalaki at hinawakan ang kanyang ari.
Ayon kay Nene, naaninag niya umano na may takip ang mukha ng lalaki kahit madilim sa lugar at paghawak niya sa mukha nito ay napansin niyang bagong ahit ang lalaki at may payat ang mukha kahalintulad sa mukha ni Fere-ira.
Nakatakas lang si Nene matapos di umanong magising ang isa sa kanyang pinsan na nasa tabing kwarto ngunit nakatakas umano agad ang nasabing lalaki at nakatakbo palabas ng bahay.
Paliwanag naman ni Fere-ira, wala umano siyang kinalaman sa nangyaring panghahalay at nasa bahay lang umano siya buong magdamag nagbabantay ng kanyang mga inaalagaang manok.
Ayon kay SPO1 Chesyl Farcia, imbestigador ng Odiongan Municipal Police Station, mahaharap ang suspek sa kasong rape na may kinalaman sa Republic Act 7610.