Dalawang dalaga ang sugatan matapos na maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa Sitio Lumbia, Barangay Limon Sur, Looc, Romblon nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ng Looc Municipal Police Station ang dalawa na sina Jenny Basco Davila, 23-taong gulang, habang sakay naman niya si Lusviminda Panganiban Amar, 18-anyos, isang senior high school student ng Looc National High School.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang dalawa patungong Looc Town Proper ng mawalan umano ng kontrol si Davila sa minamanehong motorsiklo at sumalpok sa gutter na nasa gilid ng kalsada.
Agad naman silang isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ang dalawang babae.
Ayon pa sa pulisya, hinala nila’y nakainum si Davila nang mangyari ang aksidente.