Sugatan ang driver at dalawang pahinante ng isang closed truck matapos mahulog at tumagilid ito sa palayan na nasa gilid ng kalsada sa Barangay Concepcion Norte, Santa Maria, Romblon nitong madaling araw ng Huwebes.
Ang nasabing truck na may plate number na WKQ 977 ay patungo sanang San Agustin Port para maghabol sa aalis na barko patungong Romblon, Romblon nang ito ay maaksidente.
Kinilala ng pulisya ang driver na si Angelo Barbolino Mariposque, 44, habang ang kanyang mga pahinante naman ay sina Jemar Liberato Mariposque, 33, at Renante Robis Mariposquare, 41, pawang mga residente ng bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa driver ng truck, nahulog umano sila matapos di kumapit ang gulong ng truck sa kalsada dahil maulan at madulas kaninang madaling araw.
Nagtamo ng minor injuries ang dalawa kaya agad na sinugod sa Rural Health Unit Clinic ng Santa Maria.
Hindi pa naiaalis ang truck sa posisyon nito dahil kulang sa gamit.
Ayon sa otoridad, accident prone area ang nasabing lugar kaya naglagay na sila ng babala sa kalsada upang mapaalalahanan ang mga driver.